CHED, tiniyak na sinisikap alisin ang hazing sa Higher Education Institutions

Inihayag ng Commission on Higher Education (CHED) na sinisikap nilang alisin sa Higher Education Institutions (HEIs) ang hazing at lahat ng uri ng karahasan.

Batay sa inilabas na pahayag ni Dr. J. Prospero de Vera III, Chairman ng CHED, nakikiisa sila sa lahat ng stakeholder ng higher education, lalo na ang kanilang mga paaralan, guro, kawani at mag-aaral na aktibong magsikap na wakasan ang kultura ng karahasan sa mga institusyon ng edukasyon.

Kasabay nito, nagpahatid din ng pakikiramay ang CHED sa pamilya ni John Matthew T. Salilig, ang third year Chemical Engineering student ng Adamson University na kamakailan ay naging biktima ng hazing.


Mariing kinokondena ng CHED ang hazing at lahat ng uri ng karahasan sa mga institusyon.

Pinuri din ng CHED si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pag-utos sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng parallel investigation sa kaso.

Samantala, hinimok din ng CHED ang kapulisan na pabilisin ang imbestigasyon para maisampa ang kaukulang kaso laban sa mga salarin.

Facebook Comments