Hindi tulad ng Department of Education (DepEd), hindi maglalabas ng blanket policy ang Commission on Higher Education (CHED) para gawing sapilitan sa mga pamantasan at mga kolehiyo ang in-person classes sa papasok na academic year.
Sa media conference ng CHED, sinabi ni Chairman Prospero de Vera na ipapaubaya nila sa mga tagapangasiwa ng mga university at colleges ang paglalatag ng kanilang polisiya batay sa learning set-up ng kanilang degree programs.
Gayunman, naniniwala si De Vera na mataas na bilang ng mga eskwelahan ang magbabalik sa face-to-face classes.
Sa ngayon aniya ay maraming mga eskwelahan na ang mayroong magandang pasilidad at mga kagamitan para makapagsagawa ng flexible learning.
Kahit aniya noong bago magkapandemya, maraming pamantasan at kolehiyo ang gumagamit na ng online learning bilang alternative sa traditional na face-to-face classes.