Nanawagan ang ilang chefs at may-ari ng restaurants sa Moscow Russia na payagan nang magbukas sa pamamagitan ng pagpoprotesta ng nakahubad.
Naglipana umano sa social media ang mga hubad na larawan ng mga empleyado ng restawran at hawak ang ilang gamit sa kusina bilang pantakip sa pribadong bahagi ng katawan gaya ng baso, kasirola, bote, at napkin holders.
Isa lang daw ang kanilang panawagan sa awtoridad– ang payagan silang makapagbukas para muling makapagtrabaho sa gitna ng krisis.
Simula raw kasi nang magkaroon ng malawakang lockdown sa buong bansa, ilang daang bar, resto at cafe employees ang nawalan ng hanapbuhay.
Ayon kay Arthur Galaychyuk, may-ari ng isang bar, ang pagprotesta ng walang saplot ay isa umanong mensahe na wala ng natira sa kanila.
Para naman kay Pavel, chef mula sa Siberian City ng Novosibirsk, hindi umano nila planong gumawa ng eksena at palabas, isang bagay lang daw ang nais nilang gawin– ang muling makapagtrabaho.
Sa kabila ng protesta, wala pa rin daw anunsyo ang mga awtoridad kung kailan papayagang magbukas ang mga kainan.
Nagsimulang ipasara ni President Vladimir Putin ang lahat ng establisyemento at mga kainan nang sumailalim sa lockdown ang Russia.
Kaugnay nito, sa patuloy na proseso ng pagbaba ng lockdown sa Moscow, ilang hanapbuhay na rin ang pinayagang buksan gaya ng malls, book stores at beauty salons.
At sa darating na Hunyo 23 nakatakdang buksan at pabalikin ang mga negosyong gaya ng restaurants at cafes ngunit iyon lamang may mga outside terraces.
Hindi pa rin malinaw kung kailan papayagang magbukas ang indoor restaurants at bars sa ibang parte ng nasabing bansa.