Chemical spill sa Batangas, under control na ayon sa OCD

Nakabalik na sa kani-kanilang tahanan ang 53 pamilya o 248 na mga indibidwal na naapektuhan ng chemical spill sa Bauan, Batangas.

Ayon kay Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, deklarado na ring under control ang sitwasyon.

Ani Nepomuceno, agad na nagsagawa ng containment at clean-up operations ang local government unit (LGU) ng Batangas, mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).


Sinabi pa ni Nepomuceno na base sa reports, kusang naglaho ang kemikal sa dagat.

Matatandaang nitong November 4, 2023, mahigit 50 pamilya na nakatira sa coastal area ng Barangay San Miguel ang inilikas dahil sa nasabing chemical spill.

Nagmula ang oil spill sa 2 drums ng hazardous substance na solvent naphtha na tumagas mula sa hindi nahigpitang drain plug ng isang storage tank kung saan naapektuhan nito ang 6,000 square meters ng baybaying dagat at nakapagtala din ng fish kill sa lugar.

Nabatid na ang Naphtha solvent ay ginagamit bilang additive sa pintura at thinner products na nakakapagdulot ng irritation sa mata, ilong, at lalamunan ang sinumang ma-expose dito.

Sa ngayon, tuloy parin ang monitoring ng Office of Civil Defense (OCD) sa posibleng maidulot nito sa marine environment.

Facebook Comments