Davao – Napanatili nina Shania Mae Mendoza at Al-Basher Buto ang hawak sa liderato pagkatapos ng 5th round ng kani-kanilang division sa ASEAN Age Group Chess Championships sa Royal Mandaya Hotel sa Davao City.
Naitabla ni Mendoza ang kaniyang laban kontra kay Woman FIDE master Vu Thi Dieu Ai ng Vietnam para umangat sa 4.5 points sa Under-20 girls’ division.
Dahil dito isang buong puntos ang lamang ng pambato ng Far Eastern University sa tatlong player na magkasosyo sa ikalawang puwesto.
Naitala naman ng siyete anyos na si Buto ang ikalimang sunod na panalo nito matapos padapain si Nguyen Vuong Tong ng Vietnam para sa solong liderato sa Open Under 8 category.
Nasa unahan din ng Open Under 18 so Dale Bernardo matapos nitong gulatin ang top seed na si International Master Tran Minh Thanh para umangat sa 4.5 points pagkatapos ng limang round.