Manila, Philippines – “Regards and kita-kits tayo diyan!”
Yan ang mensahe ni Chief Inspector Jovie Espenido kay Iloilo City Mayor Jed Mabilog kaugnay sa kanyang bagong assignment bilang hepe ng pulisya sa nasabing lungsod.
Umapela rin si Espenido sa iba pang mga lokal na opisyal na dawit sa drug trade na sumuko na lamang.
Dumating ngayong hapon sa Department of Justice si Espenido para maghain ng counter affidavit sa kasong murder at arbritrary detention.
Kaugnay ito ng kasong murder na inihain laban sa kanya ni Carmelita Ugmad Manzano, asawa at ina ng dalawa sa siyam na mga napatay sa raid sa Ozamiz City noong Hunyo.
Sa kanyang kontra-salaysay, nanindigan si Espenido na lehitimong police operation ang nangyari at nagkaroon ng aktwal na engkwentro na humantong sa pagkamatay ng siyam na hinihinalang miyembro ng sindikato.
Sa kanyang kontra-salaysay, hiniling ni Espenido at ng tatlo pang pulis na respondent na sina Chief Inspector Glyndo Lagrimas, SPO4 Renato Martir Junior at PO1 Sandra Louise Nadayag na mabasura ang reklamong murder laban sa kanila.