Manila, Philippines – Pormal na uupo bukas, August 28 ang newly appointed na si Supreme Court Chief Justice Teresita Leonardo De Castro.
Ayon kay Senior Associate Justice Antonio Carpio, pamumunuan ni De Castro ang nakatakdang full court session at ang oral arguments hinggil sa dalawang petisyong kumukwestyon sa constitutionality ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumakalas sa pagiging miyembro ng Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC).
Ang komposisyon ng tatlong dibisyon sa Korte Suprema ay ire-reorganized base sa seniority rule si Carpio ay pamumunuan ang second division, habang si Associate Justice Diosdado Peralta ay inaasahang pangungunahan ang third division.
Si Associate Justice Lucas Bersamin ay magsisilbing working chair ng first division.
Itinanggi naman ng Malacañang ang mga alegasyong ‘reward’ lamang kay De Castro ang pagkakatalaga sa kanya dahil sa naging papel nito sa pagpapatalsik sa dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, walang saysay ang mga alegasyon nina Magdalo Representative Gary Alejano at Albay Representative Edcel Lagman.
Giit pa ni Roque, hindi maikakaila na mas malawak ang karanasan ni De Castro kumpara kay Sereno.
Magtatapos ang termino ni Chief Justice De Castro sa October 8, 2018 kung saan maabot na niya ang mandatory age requirement na 70 na itinakda para sa lahat ng miyembro ng hudikatura.
Kasabay ng pagreretiro ni De Castro, ang magiging limang senior justices ay sina carpio, Peralta, Bersamin, Mariano Del Castillo at Estela Perlas Bernabe.
Inaasahan na ang Judicial and Bar Council (JBC) ay awtomatikong isasama ang limang senior SC justices bilang kwalipikado sa pagka-punong mahistrado.