Matapos na mahirang bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema, bumaba na bilang kasapi ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) si Chief Justice Alexander Gesmundo.
Ito ay dahil sa pamumunuan na ni Gesmundo bilang Chief Justice ang Presidential Electoral Tribunal na siyang humahawak sa mga election protest sa Pangulo at Bise Presidente ng bansa.
Sa nilagdaan ni Chief Justice Gesmundo na Special Order 2826, itinalaga niya bilang kapalit sa HRET si Justice Amy Lazaro-Javier.
Makakasama ni Justice Javier si Justice Rosmari Carandang, ang anim na kongresista at si Justice Marvic Mario Victor Leonen na siyang chairman.
Sila ang tumatalakay sa mga protesta at mga kuwestyon na may kinalaman sa eleksyon ng mga miyembro ng Kamara.
Wala namang pagbabago sa mga kasapi ng Senate Electoral Tribunal na pinamumunuan pa rin ng pinaka-senior na mahistrado ng Korte Suprema na si Justice Estela Perlas-Bernabe.
Kasama niya sina Justices Alfredo Benjamin Caguiao at Ramon Paul Hernando gayundin ang anim na nakaupong mga senador.