Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Supreme Court Associate Justice Teresita De Castro bilang Chief Justice ay isang paraan ng pagkilala sa pagmamahal ni De Castro sa hudikatura.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, buong buhay ni De Castro ay inialay nito sa paninilbihan sa gobyerno dahil ito ay nagtrabaho sa ilalim ng Department of Justice (DOJ), state counsel sa Sandiganbayan hanggang ito ay maupo sa Korte Suprema.
Binigyang diin ni Roque na walang masama na ibinigay ni Pangulong Duterte ang pinakamataas na posisyon sa hudikatura sa isang tao na inialay ang buong buhay sa paninilbihan sa hudikatura.
Naniniwala naman si Roque na sa maikling panahon na mauupo bilang Chief Justice ay makakamit ni De Castro ang mga programang matagal na nitong isinusulong sa Korte Suprema.
Sinabi naman ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go na sa August 31 na manunumpa si De Castro kay Pangulong Duterte sa posisyon na gagawin sa Malacañang.
Paliwanag ni Go, manunumpa si De Castro sa lalong madaling panahon pero hihintayin pa nitong matanggap ng Korte Suprema ang kanyang opisyal na appointment paper bago ito pornal na maupo bilang supreme court chief justice.