Manila, Philippines – Pinasasampahan ng isang kongresista ng child abuse ang 13 tauhan ng Caloocan police na nagsama ng isang menor de edad sa raid at nagnakaw pa sa isang bahay.
Inaatasan ni Senior Deputy Minority Leader at Buhay PL Rep. Lito Atienza ang DSWD at DOJ na sampahan ng child abuse ang mga Caloocan police.
Ang dalawang ahensya aniya ang may mandato para ipatupad ang batas sa pagbibigay proteksyon sa mga bata.
Hiniling din ni Atienza na isailalim sa kustodiya ng DSWD ang bata na nahuli sa CCTV na kumukuha ng mga mahahalagang gamit sa bahay na ni-raid kasama ang mga otoridad.
Malinaw na ang nakasaad sa Republic Act 7610 na nagtatakda ng parusa sa mga gumagamit sa mga kabataan na may edad 18 anyos pababa bilang police guides, couriers o spies o sa mga illegal na aktibidad tulad ng robbery, o sa anumang uri ng kapahamakan.