‘China aggressions’ laban sa PH pokus ng art exhibit, webinar

 

MANILA, PH.— Patuloy ang pagkilos ng grupong pang-kabataan na KALikha: Kasama ka sa Paglikha ng Arte at Literatura Para sa Bayan laban sa agresibong paggalaw ng Tsina sa teritoryo ng Pilipinas.
Noong Martes, nagpahayag ang grupong naka-base sa UP Diliman na sila ay magtatanghal ng mga aktibidad na magpapalakas sa kanilang kampanya na itulak ang soberanya ng bansa laban sa mga paggalaw ng Tsina. Ito ay dagdag pa sa kanilang pagkalampag sa mga senador upang imbestigahan ang umanong maanomalyang pagbenta ng mga isla ng bansa sa mga kumpanyang Tsino.

Sa isang pahayag, sinabi ni Camilo De Guzman, Chairperson ng KALikha UPD, na ang pagdaong ng isang barkong Tsino sa Catanduanes noong Enero at ang pagbawal sa Philippine Coast Guard na inspeksiyonin ito ay isa lamang sa mga paraan na pinapakita ng Tsina ang kapangyarihan nila sa bansa.

 

Ayon kay De Guzman, habang balido ang pag-aalala na maaaring maging sanhi ng pagkalat ng COVID-19 ang pag-inspeksyon sa sasakyang Tsino, hindi ito sapat na rason upang pigilan ang Coast Guard upang gawin ito sapagkat may mga paraan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Ang pagtanggi ng sasakyan na magpa-inspeksyon sa Coast Guard ay hindi pagkilala sa soberanya natin sa ating sariling teritoryo.


 

Noong Mayo noong nakaraang taon pa nakita ang barkong Jia Geng sa West Philippine Sea. Ayon sa mga ulat ng National Task Force for the West Philippine Sea, nagsagawa ang Jia Geng ng ilegal na pananaliksik sa katubigan ng Pilipinas tulad ng “stop-and-go” at “lawnmower” maneuvers at paulit-ulit na bumabalik sa Bajo de Masinloc at sa Kalayaan Group of Islands.

 

Nagpaplano ang KALikha UPD na magtanghal ng isang exhibit at artistikong pagprotesta na may kasamang online exhibit sa katapusan ng Marso. Layunin ng exhibit na ipakita sa pamamagitan ng iba’t-ibang art forms at media ang mga pag-atake ng Tsina at ang epekto nito sa mga Pilipino at sa soberanya ng bansa. Dagdag pa ni National Advocacies and Campaigns Officer Amber Quiban, plano nilang magsagawa ng online webinar sa Abril sa pamamagitan ng Zoom. Layunin ng webinar na talakayin ang mga politikal at sosyan na implikasyon ng mga nangyari sa Bajo de Masinloc at Catanduanes.

 

“Nais lang namin na i-highlight na kahit hindi tayo diretsong naaapektuhan ng mga pagsalaky ng China, naaapektuhan nito ang kabuhayan ng mga Pilipino na nasa laylayan at mas lalo nitong pinahihirap ang sitwasyong pinalala na ng pandemya,” paliwang ni Quiban tungkol sa kanilang mga planong aktibidad.

 

Dagdag pa ni Danicah Chaves, Chairperson ng UP College of Arts and Letters Freshies, Shiftees, and Transferees Council, “Ang kalayaang ipinaglaban ng ating mga ninuno ay hindi natin kailanman isusuko. No matter what type of aggression China throws at us, one thing is clear: Hindi tayo magpapa-api.”

Facebook Comments