China, dapat isama sa travel ban na ipinatutupad ng gobyerno laban sa bagong COVID-19 strain

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros sa Department of Health (DOH) at sa Department of Foreign Affairs (DFA) na irekomenda na maisama ang China sa mga bansang kasama sa ikinasang travel ban ng Pilipinas.

Apela ito ni Hontiveros sa pamahalaan makaaraan makumpirma na nakapasok na rin sa China ang bagong COVID-19 variant.

Naniniwala si Hontiveros na kaya exempted sa travel ang China ay dahil takot ang gobyerno na masaktan ang damdamin nito sa halip na unahin ang kaligtasan ng mamamayan.


Punto ni Hontiveros, lubos na nakakahawa ang new variant ng COVID-19 kaya hindi na dapat hintayin ng gobyerno na maghingalo pa ang ating mga ospital at mahirapan pa ang ating mga nars at doktor bago umaksyon.

Diin ni Hontiveros, dapat ay natuto na ang pamahalaan sa atrasadong pagpapatupad ng travel ban sa mga pasahero mula sa China noong unang bahagi ng 2020 kaya nakapasok at kumalat sa bansa ang COVID-19.

Facebook Comments