China, dapat kasuhan ng Pilipinas dahil sa bigong pagbibigay ng kompensasyon sa 22 mangingisdang sakay ng bangkang pinalubog nito sa Recto Bank

Dapat na kasuhan ng gobyerno ng Pilipinas ang China sa International Tribunal for the Law of the Seas dahil sa kabiguan ng Beijing na magbigay ng kompensasyon sa 22 mangingisdang sakay ng pinalubog na bangka ng Chinese vessel sa Recto Bank noong June 2019.

Ayon kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, may exclusive fishing rights sa Recto Bank ang mga mangingisdang Pinoy dahil bahagi ito ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Aniya, maaaring mag-demand ng danyos mula sa China ang Pilipinas dahil sa ginawang pangha-harass ng China sa kabila ng naging ruling ng Arbitral Tribunal.


Tinitukoy dito ni Carpio ang pagpabor ng UN Permanent Court Of Arbitration sa claim ng Pilipinas sa inaangking teritoryo ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Gayunman, ang hakbang na ito ay malayo naman aniya sa polisiya ng administrasyong Duterte na huwag i-offend ang China.

Kasabay nito, hinimok ni Carpio ang mga Pilipino na ihalal sa darating na 2022 election ang presidente na magtatanggol sa sovereign rights ng Pilipinas sa WPS.

Sa harap na rin ito ng nagpapatuloy na island building activities ng China sa West Philippine Sea at sa presensya ng mga barko nito malapit sa Pag-Asa Island sa Palawan sa kabila ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments