Hiniling ni Senator Risa Hontiveros na maparusahan ang mga tauhan ng Chinese Coast Guard na nagtutok ng military grade laser sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na naglagay sa mga Filipino crew sa panganib.
Ang naturang insidente ay nagdulot ng ‘temporary blindness’ sa mga ‘crew’ na lulan ng barko.
Ayon kay Hontiveros, mataas na nga ang tensyon sa West Philippine Sea pero sa bawat araw ay mas lalong lumalala ang China.
Giit ng senadora na dapat may katapat na parusa ang harassment na ginawa sa mga Pilipino dahil bukod sa iligal na ang presensya ng China sa rehiyon ay nananakit pa ang mga ito sa ating mga kababayan.
Dagdag pa ni Hontiveros, kung gusto ng Chinese government na ipakita ang tunay na pamumuno sa rehiyon ay dapat na umakto ito nang responsable at atasan ang coast guard, navy at maritime nito na iwasan ang anumang hakbang na makakapagpalala sa sitwasyon sa West Philippine Sea.
Samantala, agad namang ipinare-refer ni Senator Chiz Escudero sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang insidente para agad na maipatawag ang Chinese ambassador sa bansa o agad na makapaghain ng diplomatic protest dito.