China, iginiit na may hurisdiksyon sila sa Julian Felipe reef; Palasyo, umaasang hindi ito mauuwi sa panibagong maritime standoff

Kinumpirma ng Chinese Embassy sa Manila ang presensya ng higit 200 barko nito sa Julian Felipe Reef sa West Philippines Sea.

Nabatid na naghain na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest laban sa China dahil sa panghihimasok ng kanilang barko sa nasabing lugar na bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Sa statement nilinaw ng embahada, na pawang mga fishing vessels lamang ang ito na nananatili sa lugar dahil sa masamang kondisyon ng karagatan.


Iginiit ng Chinese Embassy na hindi nakakatulong ang pagpapakalat ng anumang espekulasyon.

Nanindigan din ang China na ang Julian Felipe Reef ay bahagi ng kanilang hurisdiksyon sa ilalim ng Nasha Qundao, kung saan matagal nang nangingisda ang kanilang mga barko sa lugar.

Umaasa naman si Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi mauuwi sa panibagong standoff ang maritime incident lalo na at malapit na kaibigan ng Pilipinas ang China.

Sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Cirilito Sobejana, nagpadala na sila ng naval at air force assets sa lugar para alamin ang sitwasyon.

Binibilang pa ng mabuti kung ilang mga barko ang nananatili sa nasabing bahura.

Sa huling tala ng AFP, nasa 183 Chinese vessels ang nakaangklat sa Julian Felipe Reef.

Facebook Comments