Inatasan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang Philippine Mission to the United Nations sa New York na isama ang mga kandidato mula Japan at Germany sa listahan ng susuportahan ng Pilipinas na uupo International Court of Justice (ICJ).
Una nang inatasan ni Locsin ang Philippine Mission na bumoto ng isang Chinese Candidate.
Sa kanyang Twitter Post, sinabi ni Locsin na mayroon nang tatlong kandidato na maaaring iboto na itinuturing niyang ‘big powers.’
Ngayong may tatlong pagpipilian, inatasan ni Locsin ang Philippine Mission na hintayin ang mga susunod na instructions kung dadagdagan pa ang mga kandidatong bansa para makumpleto ang limang bakanteng pwesto sa ICJ.
Sa hiwalay na tweet, sinabi ni Locsin na hindi alam ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang usapin matapos nitong sabihin na suportado niya si Judge Xue Hanquin bilang Chinese Candidate sa ICJ.
Ani Locsin, pagdating sa mga usapin ng foreign affairs, dapat ang DFA lamang ang tinatanong.
Ang ICJ ay nakatakdang magsagawa ng eleksyon nito bukas, November 11, 2020 (November 12 sa Manila).