Muling idinemand ng China sa Pilipinas na tanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na tinatawag ng China na Ren’ai Jiao.
Ginawa ng Chinese Ministry of Foreign Affairs ang naturang pahayag bilang tugon sa komento sa statement ng US State Department na binatikos ang China sa pagharang sa barko ng Pilipinas habang nagsasagawa ng resupply mission para sa Navy vessel.
Saad nito na malinaw ang makasaysayang konteksto ng isyu sa Ayungin Shoal, dagdag pa nito na noong 1999, ipinadala ng Pilipinas ang naturang military vessel at sinadyang sumadsad sa lugar sa pagtatangkang baguhin ang status quo ng Ren’ai Jiao ng iligal.
Aniya, ilang beses umano na nangako ang Pilipinas na tanggalin ang barko subalit hindi aniya ginagawa ng bansa. Hindi lamang aniya ito, sinusubukan din aniya ng Pilipinas na i-overhaul at i-reinforce ang BRP Sierra Madre upang permanenteng maokupa ang Ayungin Shoal.
Una rito, ang BRP Sierra Madre ay nasa Ayungin Shoal simula pa noong 1999 na binabantayan ng mahigit dosenang Marines at sailors na naging simbolo na ng soberaniya ng Pilipinas.
Matatagpuan naman ang Ayungin Shoal 105.77 nautical miles mula sa pinakamalapit na probinsiya ng Palawan at bahagi ng 200 nautical mile continental shelf ng bansa base sa nakapaloob sa United Nations Convention on the law of the Sea (UNCLOS).