
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na muling naglagay ng mga floating barrier ang China sa may bahagi ng Bajo de Masinloc.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, nakita ito nang magsagawa kamakailan ng maritime domain awareness flight ang Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Namataan ang presensiya ng apat na Chinese Maritime Militia vessels, 5 barko ng China Coast Guard at isang barko ng People’s Liberation Army Navy.
Sinabi pa ni Tarriela na mayroon ding idineploy na helicopter ng Air Force ng PLA.
Posible umanong inilagay ang barrier upang pigilang makalapit ang mga Pilipinong mangingisda.
Tiniyak naman ng PCG na patuloy nilang babantayan ang teritoryo ng Pilipinas at ang mga mangingisda na nananatili sa may Bajo de Masinloc.
Isa rin aniya sa dahilan ng pagpunta ng PCG at BFAR sa naturang bahagi ng karagatan ang pagsusupply ng krudo sa mga mangingisda roon.
Sa panig ng Pilipinas, may tig-apat na barko ang BFAR at PCG na nagbabantay kasama ng 26 na fishing vessel ng mga Pilipino.