China, muling nanindigang hindi kikilalanin ang The Hague ruling

Muling nanindigan ang China na hindi nila kikilalanin ang 2016 arbitral ruling na ibinaba ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, Netherlands kung saan pinapawalang saysay ang 9-dash line claim nito sa buong South China Sea.

Matatandaang iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa 75th United Nations General Assembly ang legal victory ng Pilipinas sa usapin.

Sa isang virtual forum na inorganisa ng Association for Philippines-China Understanding Inc. (APCU), sinabi ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na nagkaroon na ng ‘consensus’ sa pagitan nina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping para isantabi ang agawan ng teritoryo at isulong ang dayalogo at kooperasyon.


Dagdag pa ng ambassador, ang Bilateral Consultation Mechanism (BCM) ay isinasagawa para maresolba ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa at layuning palawakin ang practical cooperation.

Committed din aniya ang China na pabilisin ang konsultasyon sa ilalim ng code of conduct (COC) sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China para matiyak ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Hindi rin dapat hayaang pumasok ang anumang external powers na layong sirain ang ugnayan ng Pilipinas at China.

Iginiit din ni Huang na ang lahat ng bansa ay ine-enjoy ang freedom of navigation sa South China Sea alinsunod sa international law.

Batay sa 2016 decision, kinikilala ng PCA ang sovereign rights ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ) nito.

Facebook Comments