Humaharap ngayon ang China sa tagtuyot matapos makaranas ng below-average na dami ng ulan at maranasan ang isa sa mga pinakamatinding heat waves sa loob ng anim na dekada.
Dahil dito, nag-isyu ang pamahalaan ng yellow alert sa buong bansa matapos ang siyam na taon kasunod ng nararansang tagtuyot sa ilang probinsya ng Southern at Central China.
Pinakaapektado rito ang Jiangsu, Hubei at Sichuan na malapit sa Yangtze River na nanunuyot na rin sa sobrang init.
Nagresulta ito sa pagtaas ng demand sa air conditioning sa mga opisina at bahay dahilan para maapektuhan naman ang suplay ng kuryente.
Aabot din sa dalawang milyong ektarya ng taniman sa anim na probinsya ng China ang naapektuhan ng nagpapatuloy na tagtuyot.
Kaugnay nito ay nagsasagawa na ng cloud seeding operations ang pamahalaan upang magpaulan sa mga apektadong lugar.