Umapela ang Chinese Foreign Ministry sa ilang opisyal ng Pilipinas na huwag nang palakihin pa ang isyu sa West Philippines Sea.
Ito ang kanilang tugon matapos ipatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Chinese Ambassador to the Philippines para magpaliwanag sa patuloy na panghihimasok ng mga barko ng Tsina sa Julian Felipe Reef.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian, umaasa sila na ititigil ng ilang Philippine officials na magbigay ng negatibong komento sa usapin na makakaapekto lamang sa bilateral relations ng Pilipinas at China.
Mag-iiwan din aniya ito ng negatibong impact sa umiiral na kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Handa ang China na resolbahin ang isyu sa pamamagitan ng “friendly consultations.”
“We stand ready to properly resolve the relevant dispute with the Philippines through friendly consultations and jointly uphold peace and stability in the South China Sea,” sabi ni Lijian.
Binanggit din ng Chinese official ang isang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy na reresolbahin ng Pilipinas sa diplomatikong paraan ang isyu.
Kahapon, naghain ang DFA ng dalawang diplomatic protest laban sa China.