Hindi titigil ang China hanggat hindi nasasakop ang malalaking isla sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanyang planong Smart City kasabwat ang ilang local government officials sa mga probinsiya.
Ito ay ayon sa statement na inilabas ng grupong #AtinAngPinas, WPS Advocates, na nagsusulong na maimulat ang mga Pilipino na ipaglaban ang teritoryo ng West Philippine Sea.
“Creeping invasion ang ginagawa ng Tsina. Sunod-sunod ang reclamation sa Pilipinas. Sa Manila Bay, sa Dumaguete, sa Cavite at tuloy ang pagmimina at dredging sa Cagayan. Kung susuriin mo ay puro kumpanya ng China ang nasa likod ng mga ito,” ayon sa grupo.
“Ang nakakadismaya ay ang sabwatan ng mga Chinese contractors at ng mga local government officials para ibenta ang mga isla. Sa huli, ang pagkasira ng kalikasan ay walang presyo at hindi matutumbasan ng pera,” ani ng WPS Advocates.
Nagpahayag din ang grupo na dapat bantayan ng mga Pilipino ang halalan sa 2022 dahil malaki ang posibilidad na makikialam ang Tsina.
“We have to be vigilant. Nakakatakot ang parating na Halalan 2022. Nakaabang ang Tsina dahil napakalaki ng mawawala sa kanila kung matatalo ang mga Duterte”.
Ang WPS Advocates ay binubuo ng mga indibidwal na naniniwala na ang Pilipinas ay para sa Pilipino at ang mga islang pinagtatalunan sa West Philippine Sea ay nasa loob ng ating teritoryo batay sa kasaysayan at geograpiya.