China, pananagutin ang Pilipinas kapag pwersahang pinaalis ang kanilang mga barko sa Julian Felipe Reef

Photo Courtesy: Global Times

Tiniyak ng China na mananagot ang Pilipinas kapag pwersahang pinaalis ang kanilang mga barko sa Julian Felipe Reef na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ito ang sinabi ni Hu Xijin, Editor ng Global Times Newspaper ng Chinese Communist Party, matapos ipaalala ng Pilipinas ang isyu nang pagtambay ng Chinese vessels sa West Philippine Sea.

Ayon kay Xijin, nasa nine-dash line na pinanindigan ng China na bahagi ng kanilang teritoryo.


Habang inamin din nito na tila nagiging puppet na rin ng Amerika ang ilang opisyal ng gobyerno ng bansa na bumabatikos sa China.

Kasabay nito, ilang opisyal na ng gobyerno ng Pilipinas ang nagpahayag ng saloobin dahil sa ginawang pangangahas ng China.

Kabilang dito si Bayan Muna party-list Representative Carlos Isagani Zarate na hinimok ang pamahalaan na magsagawa ng kumpletong demilitarisasyon sa South China Sea upang mabawasan ang tensiyon.

Habang sa pagtatayo naman ng konstruksiyon sa artificial islands sa West Philippine Sea, sinabi ni Senator Risa Hontiveros na dapat na itong kwestiyunin dahil maituturing na pagta-traydor sa bansa ang ginagawa ng China.

Sa ngayon nakikiisa ang Philippine Council for Foreign Relations (PCFR) sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND), sa pagpapaalis ng barko ng China sa Julian Felipe Reef.

Facebook Comments