
Nanindigan si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief-of-Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na malinaw na “aggressive tactics” ang ipinamalas ng China sa pinakahuling insidente sa Bajo de Masinloc, West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Brawner kitang-kita sa video ang pagiging agresibo ng mga barko ng China.
Base sa kanilang assessment, malinaw na sinadya ng mga barko ng China na banggain ang Philippine Coast Guard (PCG).
Mabuti na lamang aniya at mabilis na nakaiwas ang PCG vessel kaya hindi natuloy ang banggaan at sa halip, dalawang barko ng China ang nagkabangggaan.
Iginiit pa ni Brawner na walang karapatan ang China na angkinin ang Bajo de Masinloc dahil malinaw na bahagi ito ng teritoryo ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Brawner, gaya ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi naghahangad ng digmaan ang AFP ngunit hindi rin sila uurong sa anumang banta laban sa bansa.
Kasabay nito, tiniyak ni Brawner na kaisa ng AFP ang Department of National Defense (DND) at PCG sa paglaban para sa karapatan ng mga Pilipino.









