
Umalma ang Embassy of the People’s Republic of China in the Philippines sa pahayag ng Philippine National Maritime Council (PNMC) hinggil sa interpretasyon ng mga maritime zone sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Kasunod ito ng panibagong insidente sa Bajo de Masinloc kahapon, January 12, kung saan iniuulat na hinarangan at hinaras ng magkakatuwang na barko ng People’s Liberation Army (PLA) Navy at China Coast Guard (CCG) ang isang bangka ng mga Pilipinong mangingisda.
Ayon sa pahayag ng Embahada ng China, iginiit nito na “walang konsepto sa UNCLOS” na tumutugon sa terminong ginagamit ng PNMC, at inakusahan ang Pilipinas ng pagiging bully sa ilang pagkakataon—pahayag na taliwas sa inilabas na bersyon ng tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa kabila ng pag-iral ng hidwaan sa interpretasyon, tiniyak ng embahada na bukas pa rin ang Tsina sa dayalogo sa Pilipinas para matugunan ang mga usaping maritime.
Batay sa ulat, ilang beses nagpatunog ng sirena ang mga barko ng China habang hinaharang ang bangka ng mga mangingisda. Agad namang rumesponde ang PCG na sakay ng BRP Cape San Agustin, at nagbigay ng krudo (fuel) upang matulungan ang mga mangingisda bago sila makabalik sa pangingisda.










