Iginiit nina Senators Grace Poe at Joel Villanueva na walang karapatan ang China na idikta kung ano ang dapat nating gawin sa ating karagatan.
Ayon kay Poe, ang pagdikta ng China na alisin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal ay isa na namang pagpapakita ng pagiging arogante at agresyon na hindi natin dapat upuan na lamang.
Diin naman ni Senator Villanueva, ang Ayungin Shoal ay bahagi ng continental shelf ng Pilipinas dahil ito ay nasa 104 nautical miles mula sa baybayin ng Palawan kaya malinaw na nakapaloob sa ating 200-nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ).
Paliwanag pa ni Villanueva, mukhang dumaranas ng historical amnesia ang China sa paglimot na simula pa noong 1999 ay nasa Ayungin Shoal na ang BRP Sierra Madre.
Katwiran naman ni Senator Francis Tolentino, ang isang sovereign state katulad ng Pilipinas ay hindi dapat tumatanggap ng deriktiba mula sa gobyerno ng ibang bansa kung saan natin ilalagay ang ating mga barko sa loob mismo ng ating teritoryo.