China, walang karapatan na magpatupad ng anumang regulasyon sa West Philippine Sea – National Security Council

Muling iginiit ng National Security Council (NSC) na walang karapatan ang China magpatupad ng anumang regulasyon sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, ang ipinapatupad na regulasyon ng China hinggil sa gagawing pag-aresto sa mga mangingisda ay isa lamang pananakot.

Aniya, mas lalo lang daw itong magdudulot ng tensyon sa pinag-aagawan teritoryo.


Paliwanag pa ni Malaya, hindi susuko o tatalikod ang Pilipinas sa panibagong pananakot ng China kung saan suportado nila ang bawat mangingisda na papalaot sa WPS.

Sinabi naman ni Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela, Spokesman for the West Philippine Sea, walang basehan ang pag-aresto ng China sa sinumang mangingisda.

Ang banta raw na ito ng China ay paraan lamang nila para mawalan ng gana ang mga claimant na bansa na magtungo sa WPS.

Kaugnay nito, hinihimok nila ang mga bansang Vietnam, Malaysia, Brunei at Indonesia na huwag matakot sa nasabing regulasyon ng China Coast Guard (CCG) at nararapat lamang daw na malayang makapangisda sa mga Exclusive Economic Zone (EEZ).

Facebook Comments