China, walang karapatan na pagsabihan tayong umayos sa sarili nating teritoryo ayon sa isang kongresista

Iginiit ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo na walang karapatan ang China na pagsabihan tayo na ‘umayos’ sa ating sariling teritoryo.

Reaksyon ito ni Tulfo sa napaulat na pahayag ng China na umayos tayo at huwag manggulo matapos tanggalin ng Philippine Coast Guard ang “floating barrier” na inilagay nito para hadlangan ang mga Filipino na makapangisda sa Bajo de Masinloc.

Buo ang suporta ni Tulfo sa pagtanggal ng Coast Guard sa floating barrier para ipamukha sa China na iginigiit natin ang ating karapatan sa lugar na sakop ng ating teritoryo.


Bukod dito ay binanggit ni Tulfo na napapanahon na para humingi tayo ng suporta o tulong sa United Nations (UN) at mga kaibigan nating malalaking bansa para sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Si Tulfo ay kaisa rin sa hakbang ng House of Representatives na alisin ang confidential at intelligence funds ng mga civilian agencies para ilipat sa mga ahensyang nakatutuk sa pagbabantay sa West Philippine Sea tulad ng Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, National Security Agency, at National Intelligence Coordinating Agency.

Facebook Comments