Walang maipakitang katibayan ang China sa umano’y umiiral na gentlemen’s agreement sa pagitan ng Chinese President Xi Jinping at ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni National Security Adviser Eduardo Año sa ambush interview sa Malacañang.
Ayon kay Año, palaging binabanggit ng China ang gentlemen’s agreement ngunit wala naman talaga itong maipakitang anumang dokumento o sinumang magpapatunay nito.
Si Año ang nagsilbing kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng administrasyong Duterte.
Matatandaang ipinalutang ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na may gentlemen’s agreement si Duterte at China para sa pagpapanatili ng status quo sa WPS.
Gayunpaman, tiniyak naman ni Año na patuloy na ipagtatanggol at itataguyod ng pamahalaan ang maritime rights sa exclusive economic zone ng bansa.