Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na humingi ng tawad ang ambassador ng China sa pagpapaputok ng water cannon ng Chinese Coast Guard (CCG) sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Lorenzana, hindi sinasadya ang sinasabing water cannon attacks ng CCG.
Aniya, maayos na ang sitwasyon sa Ayungin Shoal at tuloy-tuloy na ang resupply mission ng bansa.
Nauna nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., na dalawang supply boat ng Pilipinas sa isang resupply mission sa Ayungin Shoal ang binomba ng CCG noong Nobyembre 16.
Sinabi ni Locsin na ipinarating niya kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at sa kanyang Chinese counterpart sa Beijing ang pang-aalipusta, pagkondena at protesta ng Pilipinas sa insidente.