Chinese ambassador, planong ipatawag ng DFA kasunod ng naging aksyon ng China sa WPS

Planong ipatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ambassador ng China kasunod ng insidente ng pangha-harass ng China Coast Guard (CCG) sa mga sundalo ng Pilipinas noong June 17 sa Ayungin Shoal.

Sa ambush interview sa Malacañang, sinabi ni DFA Undersecretary Theresa Lazaro, hinihintay na lamang aniya nila ang go signal ni DFA Secretary Enrique Manalo para mahingan ng paliwanag ang China sa nangyari.

Dagdag pa ni Lazaro na tumawag na rin sa DFA si US Deputy Secretary of State Kurt Campbell para alamin ang nangyayari.


Samantala, ipagpapatuloy pa rin aniya ng DFA ang pagsusulong ng diplomatikong pamamaraan ng pagresolba ng mga isyu ng China.

Mayroon aniyang bilateral consultative mechanism na umiiral sa South China Sea at pinag-uusapan na rin ng DFA ang mga susunod nitong hakbang at kung ano ang sasabihin sa kanilang counterpart.

Facebook Comments