Hinuli ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Chinese drug suspect matapos makuhaan ng 102 milyong pisong halaga ng shabu sa kanilang ikinasang operasyon sa Malate, Manila.
Kinilala ang naarestong Chinese na si Chen Zhinzun alyas Ryan o Chen.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar sinalakay ng iba’t ibang unit ng PNP at mga tauhan ng PDEA ang lugar ng suspek bitbit ang search warrant mula sa korte.
Isinagawa ang pagsalakay sa Royal Plaza Twin Tower, Remedios St., Malate, Manila na nagresulta sa pagka-aresto sa suspek at pagkakarekober sa 15 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P102 million.
Sinabi ni Eleazar, ang nahuling Chinese national ay kilalang distributor ng iligal na droga sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit lalawigan.
Tiniyak naman ni Eleazar na magpapatuloy ang kanilang drug operation kasama ang PDEA laban sa mga banyagang nagkakalat ng iligal na droga sa Pilipinas.