Chinese authorities, binatikos nina Senators Gordon at Hontiveros

Binatikos nina Senators Richard Gordon at Risa Hontiveros ang pagharang ng Chinese Authorities kay dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario sa HongKong Airport at pagpapadeport.

Diin ni Gordon nagpapakita ng kawalan ng respeto ang maling pagtrato kay Del Rosario ng mga otoridad sa HongKong.

Malinaw para kay Gordon na ito ay panggigipit at pananakot sa isang iginagalang na mataas na personalidad sa Pilipinas bilang dating pinuno ng DFA.


Buo naman ang paniniwala ni Hontiveros na ang ginawa kay Del Rosario na kapareho sa nangyari kay Ombudsman Conchita Carpio Morales ay ganti sa paghahain nila ng kaso sa International Criminal Court laban kay Chinese President Xi Jin Ping.

Hinggil dito ay iginiit ni Hontiveros sa Department of Foreign Affairs na manindigan sa panig ni Del Rosario.

Apela ni Hontiveros sa DFA, busisiin ang ginawa ng Chinese Authorities at alamin kung nasunod ang diplomatic protocols lalo pa at may taglay na diplomatic passport si Del Rosario.

Nais din ni Hontiveros na magsagawa ng follow up ang DFA sa kaparehong sinapit ni Morales nang lumapag ito sa HongKong airport noong nakaraang buwan.

Facebook Comments