Pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Chinese businessman na ipaalam sa kanya kung mayroong opisyal ng Pilipinas ang nanghihingi ng pera sa kanila.
Sa kanyang talumpati sa Philippine-China business forum sa China – tiniyak ng Pangulo sa mga Chinese businessmen na hindi niya kukunsintihin ang katiwalian sa Pilipinas.
Kapag nagka-problema aniya sa pagtatayo ng negosyo sa bansa ay maaaring makipagkita sa kanya ang negosyante at sabihin kung sinong opisyal ang nanghihingi ng pera.
Giit ng Pangulo Duterte – pakakainin niya ang ituturong korap na opisyal ng pera at barya.
Samantala, kapwa dumalo sina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa opening ceremony ng 2019 FIBA Basketball World Cup sa Beijing.
Isinagawa ang opening ceremony sa iconic na water cube sa Beijing kung saan ginanap ang aquatic events noong 2008 Beijing Olympics.
Sa videong ipinost ni Senator Christopher Bong Go – makikitang magkatabi pa ang dalawang lider.
Ayon kay Chinese foreign ministry spokesperson Geng Shuang – pagkatapos ng seremonya – sinamahan ni Chinese Vice President Wang Qishan si Pangulong Duterte papuntang Guangdong Province para manood naman ng FIBA games kung saan naka-schedule ang laban ng Gilas Pilipinas kontra sa national team ng Italy.
Nabatid na walong Chinese cities ang kabilang sa pagdadausan ng FIBA kabilang na rito ang Beijing, Shanghai, Nanjing, Wuhan, Guangzhou, Shenzhen at Dongguan.
Umaabot sa 32 mga bansa ang nakapasok sa prestihiyosong world championships at kasama na nga rito ang Pilipinas.