Nagpapakalat ng disimpormasyon sa pamamagitan ng panlilinlang sa mga mamamahayag ang Chinese Embassy.
Ito ang tahasang sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año hinggil sa naging pahayag ng Chinese Embassy ukol sa umano’y new model na napagkasunduan ng Pilipinas at China patungkol sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Año, maituturing na walang katotohanan, katawa tawa at kalokohan ang pahayag ng Chinese Embassy hinggil sa mga resupply mission sa Ayungin Shoal.
Aniya, lumikha ng isang chat group ang Chinese Embassy kasama ang ilang piling mamamahayag kung saan sila mismo ang nag-po post ng mga leading questions na kanila ding sinasagot para manipulahin ang media na humingi ng pahayag sa pamahalaan ng Pilipinas.
Sa ganitong paraan aniya ay nahuhulog ang lahat sa bitag ng embahada para maikalat ang kanilang mga gawa gawa at walang katotohanang storya.