
Sinermunan ni Senator Erwin Tulfo ang China partikular ang Chinese Embassy at sinabihang lumayas na lamang ng Pilipinas kung hindi gusto ang demokrasya sa bansa.
Kasunod ito ng pagsita at pagkundena ng Chinese Embassy sa mga opisyal ng bansa na nagpapahayag ng pagtutol sa kanilang mga ginagawa sa West Philippine Sea (WPS).
Giit ni Tulfo, walang karapatan ang Chinese embassy na sitahin ang mga opisyal na naghahayag lamang tungkol sa pagkamkam nila sa ating teritoryo.
Sinabi ng senador na kung hindi gusto ng Chinese embassy officials kung paano gumagana ang demokrasya sa Pilipinas ay maaari naman silang lumayas anumang oras.
Ipinunto pa ni Sen. Erwin na rules ng bansa ang masusunod dahil ang “freedom of speech” ay nasa ating Konstitusyon.
Psaring pa ng mambabatas, palibhasa ay walang ganitong kalayaan sa kanilang bansa dahil ang mga kritiko ay pinakukulong, ang media ay pinatatahimik at kinokontrol din ang kanilang mga opinyon.










