Umapela ang Chinese Foreign Ministry sa ilang opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na itigil na ang pagpapalala sa isyu ng pananatili ng mga barko ng China sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng pagpapatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Chinese Ambassador to the Philippines dahil sa pananatili ng China sa mga islang sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian, kailangang bawasan ang negatibong epekto sa mga relasyong bilateral, kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Bagama’t kasi aniya handa ang China na resolbahin ang isyu, dapat idaan lamang ito sa mapayapang konsultasyon.
Samantala, sa kabila ng mga pahayag at diplomatic protest na inihain ng gobyerno ng Pilipinas laban sa China, sinabi ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na marapat na si Pangulong Rodrigo Duterte na lamang ang kumausap sa China kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.
Posible kasi aniyang sa pamamagitan nito ay mahikayat ang China na tigilan na ang pananamantala dahil para na ito sa kapakanan ng Pilipinas.
Kung magtatagumpay naman na maaangkin ng China ang teritoryo ng bansa, sinabi pa ni Carpio na mas malaking maritime area o 80 percent ng EEZ ang mawawala sa Pilipinas na mas malaki kaysa sa kabuuang land area ng bansa.