Katuwang na ngayon ng Quezon City Local Government Unit (LGU) ang Chinese General Hospital at Philippine Genome Center para mapabilis pa ang proseso at pagpapalabas ng COVID-19 test results sa mga community-based testing.
Ayon kay Dr. Rolly Cruz, Head ng QC-Epidemiology and Surveillance Unit, sa ngayon ay may kakulangan pa ang LGU sa mga laboratory para mabilis na matukoy ang mga nahawaan ng virus.
Ito ay upang matugunan ang 10,000 o higit pang tests hanggang katapusan ng buwan.
Sa ilalim ng partnership, tatanggap at ipoproseso ng Chinese General Hospital and Medical Center ang 50 tests kada araw.
Habang ang Philippine Genome Center ay makakapag-proseso rin ng swab tests mula sa community-based testing centers.
Umaasa si Cruz na makakatulong ito sa recovery rate ng lungsod na 38.81 % hanggang May 18, 2020 base sa validated cases.
Una nang nakipag-partner ang lokal na pamahalaan sa St. Luke’s Medical Center-Quezon City, Singapore Diagnostics at Philippine Red Cross para sa pagproseso ng PCR tests.
Base sa huling tala ng City Health Department, nasa 1,856 na ang confirmed cases ng COVID-19, 578 naman ang nakarekober at 163 ang nasawi.