Chinese hair care product, ipinapa-blacklist ng isang kongresista dahil sa label na “Province of China” ang Manila

Ipinapa-blacklist ng isang kongresista ang isang Chinese beauty product na kung saan nakasaad sa address sa packaging na ang Maynila ay “Province of China”.

Sa ipinadalang liham ni PBA Partylist Rep. Jericho Nograles sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa Food and Drugs Administration (FDA) ay inirereklamo nito ang nakalagay sa label ng Chinese hair care product na Ashley Shine Keratin Treatment Deep Repair na ang address na Binondo, Manila ay may nakalagay na “Province of the Republic of China”.

Ang nasabing produkto ay dini-distribute sa bansa noong 2018 pa ng Elegant Fumes Beauty Products, isang kumpanya na nakabase sa Binondo na pagmamay-ari ng isang Chinese national.


Iginiit ni Nograles na hindi pwedeng palagpasin na isa lamang simpleng pagkakamali ang pagkakalagay sa label ng produkto na probinsya ng China ang Manila.

Hiniling ng kongresista sa dalawang ahensya na imbestigahan agad ang insidenteng ito lalo na’t isa itong pagmamaliit at pagbalewala sa soberenya ng bansa.

Dahil dito, inihirit din ng mambabatas na tuluyang ipagbawal ang patuloy na distribusyon ng produkto sa Pilipinas.

Plano rin ni Nograles na isulong sa Kongreso ang isang panukala na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga maglalagay ng maling label sa mga produkto.

Facebook Comments