Manila, Philippines – Inihain ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 74 na nag-susulong ng imbestigasyon sa planong economic at tourism projects ng mga negosyanteng Chinese sa isla ng Fuga sa Cagayan at mga Isla Grande at Chiquita sa Subic Bay, Zambales.
Binanggit din ni Hontiveros ang pagbili ng isang negosyanteng Chinese sa 32-ektaryang lupain sa Kawit, Cavite para gawing Philippine Offshore Gaming Operator o POGO na may kakayahang kumupkop sa halos 20,000 mga dayuhang manggagawa.
Paliwanag ni Hontiveros, ang nabanggit na mga isla ay may mahalagang papel sa militar tulad sa Kawit, Cavite na malapit sa Philippine Air Force’s 15th Strike Wing at Naval Base Heracleo Alano na kinalalagyan ng Naval Sea System Command.
Ayon kay Hontiveros, dahil sa patuloy na aktibidad ng China sa West Philippine Sea (WPS) ay kahina-hinala ang nabanggit na mga pamumuhunan ng mga negosyanteng Chinese.
Diin ni Hontiveros, nakakaalarma ang posibleng implikasyon nito sa seguridad ng ating bansa.