
Iniimbestigahan na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang isang Chinese national na naaresto ng mga tauhan ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa Maynila kamakalawa dahil posibleng miyembro ito ng kilabot na sindikatong triad.
Ayon kay PNP HPG Spokesperson PLt. Nadame Malang nadakip ang dayuhan sa isang operasyon kung saan nasamsam sa kanya ang halos P900,000 halaga ng iligal na droga.
Bukod dito, nahuli rin ang suspek habang ibinebenta ang isang nakaw na sasakyan.
Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na supplier umano ng droga sa Metro Manila ang dayuhan at may malawak na koneksyon sa iligal na kalakaran.
Ani Malang nakikipag-ugnayan na sila sa PNP Drug Enforcement Group para mapalalim pa ang imbestigasyon.
Tinutukoy na rin ng mga awtoridad ang iba pang personalidad na sinusuplayan ng droga ng suspek.









