Kinailangan dalhin sa ospital ang isang lalaki sa Jianxi, China matapos bumigay ang baga sa sobrang pagkanta sa videoke.
Kuwento ng 65-anyos na si Wang sa video site na PearVideo, una siyang nakaramdam ng pananakit sa kaliwang banda ng dibdib matapos bumirit ng 10 sunud-sunod na matataas na kanta.
Isinawalang-bahala niya ang pananakit dahil aniya maraming beses niya nang kinanta ang mga kantang iyon at naaabot niya naman lagi ang high notes nang walang problema.
Subalit tumindi ang pananakit pagkauwi niya sa bahay sa parehong araw na iyon, dahilan para isugod na siya sa ospital kinabukasan.
Napag-alaman ng mga doktor sa ospital sa Nanchang na bumigay ang baga ni Wang na dulot ng puwersahang pag-abot ng high notes.
Ayon kay Peng Bin-fei, doktor mula sa emergency department ng ospital, nakamamatay ang ganitong kondisyon.
Karaniwan daw itong nangyayari sa kalalakihan, lalo na sa mga may edad na.
Makabubuti raw sa nakatatanda kung iiwasan ang karaoke session na hihigit sa dalawang oras.