
Nakakulong na sa pasilidad ng Bureau of Immigration (BI) sa Bicutan, Taguig City ang isang Chinese national na nagpanggap na Pilipino at gumagamit pa ng iba’t ibang pangalan.
Ayon sa BI Intelligence operatives, kinilala ang suspek na si Zhi Ling Guan, 47-anyos, na gumagamit ng mga alyas na Shi Nengyuan at Mike Sy, na nahuli sa Batangas.
Ayon kay BI Intelligence Chief Fortunato Manahan Jr., nakuha sa suspek ang mga pekeng Philippine-issued identification documents.
Sinabi naman ni BI Commissioner Anthony Viado na nag-ugat ang pagkakaaresto sa suspek sa impormasyong ibinahagi ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at Land Transportation Office (LTO).
Lumalabas sa biometric checks at inter-agency verification na ang fingerprints na nasa identification documents sa ilalim ng pangalang “Mike Sy” ay tumugma sa Chinese national na si Zhi Ling Guan.
Natuklasan din ng mga awtoridad na gumagamit ang banyaga ng Philippine passports para makabiyahe sa ibang bansa.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy kung may mga kasabwat ang Chinese national sa kanyang mga aktibidad sa bansa bago ito ipa-deport.










