
Posibleng may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ang naarestong Chinese national.
Ito ang kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) makaraang mahuli ang dayuhang si Xu Shiyan noong May 21.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nakatanggap siya ng impormasyon mula sa Mindanao Intelligence Task Group ng BI na nagsilbing incorporator ng Philippine Sanjia-Steel Corporation ang Chinese national.
Habang isa rin sa incorporator ng kompanya si Antonio Lim alyas Tony Yang na dati nang ipinatawag dahil sa kaugnayan sa operasyon ng POGO sa bansa.
Nakuha mula kay Xu ang iba’t ibang dokumento kagaya ng birth certificates, UMID forms, Postal ID, TIN ID, lisensiya at Comelec registration slip.
Matatandaang inaresto ng BI noong nakaraang taon si Tony Yang matapos magpanggap na Pilipino habang nauna na ring inimbestigahan ang Phil-Sanja dahil sa kaugnayan sa POGO operation.
Sabi ni Viado, hindi nila hahayaang abusuhin ng mga dayuhan ang sistema gaya ng pamemeke ng mga dokumento para pagtakpan ang kanilang mga ginagawa.









