Nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa kaso ng isang babaeng Chinese national na nakapasok sa bansa kahit walang record.
Naharang ang 23 anyos na si Zhang Zimo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong June 15 nang paalis na ito sa bansa at patungong Guangzhou, China.
Hindi binigyan ng departure clearance ang naturang babae matapos makitang walang arrival stamp mula sa Immigration ang kaniyang passport.
Wala ring nakitang record sa pagdating sa bansa ni Zhang sa datos ng Travel Control System.
Dahil dito, iniutos na ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na magsagawa ng masusing imbestigasyon kung paano ito nakapasok sa bansa nang hindi dumaraan sa inspeksyon.
Sa kasalukuyan, nakakulong sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa ang Chinese national habang inaayos ang deportation proceedings.