Chinese national, timbog sa bentahan ng nakaw na sasakyan; Mga droga at baril, nakumpiska

Nahuli sa ikinasang police operation ng Regional Highway Patrol Unit 3 ng Highway Patrol Group (HPG) ang isang Chinese national matapos maaktuhang nagbebenta ng nakaw na sasakyan sa Paco, Maynila kagabi.

Ayon kay PNP HPG Spokesperson PLt. Nadame Malang dakong alas-8:30 ng gabi nang masakote ang dayuhan sa parking lot ng isang gusali matapos silang makatanggap ng reklamo hinggil sa ilegal na bentahan ng isang sasakyan.

Sinabi ni Malang dakong nang beripikahin ang sasakyan, lumabas na ito’y may hold order.

Nabatid na kapag nasa hold order list ang sasakyan ay bawal itong ibenta dahil mayroon itong pending investigation bunsod ng pagkakasangkot sa mga paglabag sa batas trapiko o posibleng krimen.

Sa karagdagang imbestigasyon, nadiskubre na nakaw pala ang sasakyan, kaya mababa ang bentahan nito.

Nang puntahan ng mga operatiba, naabutan ang suspek na may dala pang hinihinalang iligal na droga gaya ng Cocaine at Marijuana.

Bukod dito, nasamsam din mula sa kanya ang isang baril at mga bala.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Anti-Fencing Law.

Facebook Comments