Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na mahigpit na ipatutupad ng pamahalaan ang umiiral na Immigration laws ng bansa laban sa mga illegal aliens mapa-Chinese man o iba pang nationality ng mga ito.
Ito ang sinabi ng Malacanang sa harap narin ng negatibong reaksyon ng ilang senador at ng publiko sa pahayag ni Pangulong Duterte na hayaan na lang na magtrabaho sa bansa ang mga Chinese workers dahil mayroong 300,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa China.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, hindi exempted ang mga Chinese nationals sa pagpapatupad ng batas kaya kung mayroong ilegal na nagtatrabaho sa bansa ay tiyak na pananagutin ang mga ito.
Paliwanag ni Panelo, ang ipinupunto lang ni Pangulong Duterte ay ang Law of Cause and Effect.
Sinabi din naman ni Panelo na ibang usapan na kung ipapa-deport sa China ang mga Chinese nationals na wala namang ginagawang ilegal dito sa bansa, na hindi naman aniya gagawin ng gobyerno.