Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang posibilad na agarang ipa-deport o pabalikin ng China ang sinumang maaarestong Chinese nationals na suspek sa pag-kidnap ng kapwa nila mga Chinese.
Dismayado si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., dahil nauuwi sa wala ang pagsusumikap ng Philippine National Police (PNP) na resolbahin ang mga kaso.
Bukod dito aniya, nagdudulot pa ito ng masamang imahe ng bansa sa international community dahil nagmumukhang masama ang peace and order sa Pilipinas.
Una nang inamin ni PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., na walang conviction at walang naitutuloy na kaso sa korte kapag ang mga biktima at mga suspek ay pawang Chinese nationals.
Batay sa rekord ng PNP-Anti- Kidnapping Group mula pagpasok ng 2022, nangunguna sa 27 kaso ng kidnapping ang pagdukot ng Chinese sa kapwa Chinese nationals.
Sabi ni Azurin, magkakakilala at magkakalugar sa China ang mga sangkot na Chinese na pare-parehong Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers.
Dahil dito, giit ni Abalos na makikipagpulong na siya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR na siyang may hurisdiksyon sa POGO na ang workers ay pawang Chinese nationals.