Pinagkalooban na ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) ang bakuna ng Chinese Pharmaceutical company na Sinovac kontra COVID-19 upang magamit sa Pilipinas.
Ito ang kinumpirma ni FDA Director General Eric Domingo kung saan ang COVID-19 vaccine ng Sinovac ang ikatlong bakuna na napagkalooban ng EUA sa Pilipinas.
Bukod pa ito sa AstraZeneca at Pfizer-BioNTech na sinasabing nasa 70% hanggang 90% ang bisa o efficacy rate.
Tiniyak naman ni Domingo na dumaan sa masusing pag-aaral ng regulatory at medical experts ang pagbibigay ng EUA sa bakunang likha ng Sinovac.
Sa ngayon, inaasahang darating na sa bansa ngayong linggo ang COVID-19 vaccines ng Sinovac kung saan kailangan na lamang ng China ng tatlong araw upang maipadala sa bansa ang donasyon nitong 600,000 doses ng bakuna.