
Isang Chinese research vessel ang namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) na naglalayag sa bahagi ng Batanes.
Kaugnay nito, agad ipinag-utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan ang pagde-deploy ng PCG Islander 4177 para i-monitor at radyohan ang Chinese vessel na Zhong Shan Da Xue.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, bandang alas-otso kaninang umaga nang mamataan ito sa layong 78.21 nautical miles northeast ng Itbayat, Batanes.
Ilang beses na niradyohan ng PCG Islander ang barko ng China pero hindi sumagot ang mga ito.
Iginiit ng PCG na walang karapatang magsagawa ng marine scientific research ang Chinese vessel sa loob ng ating Exclusive Economic Zone.
Malinaw rin anilang paglabag ito sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at Philippine Maritime Zones Act.